Sunday, January 18, 2015

Ang Buhay ay Isang Pagsubok



Dear Diary,


     Para sa akin, ang pinakamahirap na pagsubok na pinagdaanan ko ay hindi pagsubok sa English, Math o Physics kung hindi ang pagsubok na hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang kasagutan. Ito ay pagsubok sa aking buhay. Nagsimula akong tanungin nang kapalaran noong nagtagumpay akong matapos ang aking pag-aaral sa sekondarya. Magpapatuloy pa ba ako sa kolehiyo sa kabila ng katotohanang alam ko na hindi kayang suportahan nila mama at papa ang aking matrikula. Sa aking pagmuni-muni, naisip ko ang sa tingin kong tama na kasagutan. Iyon ay ang intindihin sila at huminto nga sa pag-aaral. Sa di inaasahang pagkakataon, lumiwanag ang aking paligid na para bang nahahawi ang mga makakapal na ulap at unti-unting sumisilip ang liwanang ng araw. Nararamdaman ko ang kanyang init nang dumampi ito sa malasutla kong balat habang hawak hawak ko ang isang lapis na noon pala'y gumuguhit na ng isang pangarap. 

        Nangangarap akong makatungtung sa isang kolehiyo na suot suot ang aking uniporme habang ang aking mga kamay ay kumakanlong sa mga libro sa English, Math at Physics. Napangiti ako ng tawagin ako ng tsinito kong teacher sa English. Oo. Tinawag niya ako sa wikang English upang ipakilala ko sa mga bago kong kaklase ang aking natatanging pangalan at estorya ng aking pinagmulan. Nang tumayo na ako, doon ko lang nararamdaman na nangiginig na pala ang mga tuhod ko at naninigas na ang buo kong katawan at walang ni isang letra na gustong lumabas sa aking mga labi. Haayyy! Nakatingin sila lahat sa akin. Naghihintay. Ang kaninang gwapong tsinito na guro ngayo'y naging halimaw na para bang isang kurap ko nalang ay susunggaban na ako.

       Di nagtagal. Nagpalakpakan silang lahat. Naglulundagan sa tuwa. ...Sa kanilang mga ngiti, unti-unti kong namumukhaan ang mala-dyosang mukha ni mama. Tuwang-tuwa siyang ibinalita sa akin ang kasagutan ng tanong na noon ko pa sinasagot. Ngayon, natitiyak ko na. Ito na talaga ang tamang sagot. Maipagpapatuloy ko na ang pag-aaral ko sa kolehiyo dahil sa "Student Grant In Aid for Poverty Alleviation Program" na ipinatutupad ng Aquino Administration. 

         Sa aking mga unang araw sa kolehiyo, naranasan ko ang mas mahirap na pagsubok sa buhay. Napakahirap palang mawalay sa piling ng iyong pamilya. Npakahirap palang kumain sa pagkaing di mo nasanayang kainin. Napakahirap din na sa pagtulog mo estranghero ang mga katabi mo. Muntik ko nang huwag ituloy ang pagsusulit na iyon. Subalit, sa tulong ng mga kasamahan kong grantee, naitawid ko ang unang semestre. Akalo ko yun na ang pinakamahirap. Mali pala ako. Mayroon pa palang mas malubha. At iyon ay kung papaano ko hahatiin ang oras ko sa pag-aaral. Akala ko mas masaya ang kolehiyo sa high school. Medyo oo pero parang hindi. Kailangan kong magsunog ng kilay gabi-gabi para maipasa ko ang English, Math at Physics. Akalo ko kung mag-aaral ako gabi-gabi, magiging madali lang ang mga lessons, hindi pala. Mas mahirap pa nga. Minsan naisip ko tuloy bakit ako naghihirap ng ganito? Bakit di na lang ako umuwi sa amin at magbuhay prinsesa doon? Hindi. Itutuloy ko ito. Ito ang pangarap ko. 

          Ngayon, ilang tulog na lang tatawagin na akong junior sa kursong kinukuha ko, Bachelor of Science in Information Technology. Ang kursong ito ang magdadala sa akin sa tuktok ng aking pangarap na makapagmay-ari ng isang computer company. Napakatayog na aking pangarap pero naniniwala ako na ito ay posible at magaganap sa panahong si Ama lang nagtatakda. 

         Bago po ako magpapaalam, salamat po SGPPA Diaries dahil binigyan mo ng panahon na basahin itong buntong-hininga ng aking karanasan.



Nagmamahal,


QUE LOVE IA NE